Kahit gaano kaganda ang theme mo, o karami ang plugins na ininstall mo, o kagarbo ang mga advertisements na inilagay mo sa iyong website, hindi ka kikita rito kung walang bibisita sa iyong blog. At saan nakasalalay ang iyong kita? Walang iba kundi sa mga artikulong iyong isusulat.
Mahirap at madali ang magsulat. Sa paaralan tayong lahat natuto nito, at wala pa akong kilalang tao na mas nais kumuha ng mga essay exams kaysa sa multiple choice. Gayundin naman, madaling magpahayag ng saloobin kung susulat ka ng liham sa iyong pamilya o sa iyong minamahal. Hindi nga ba’t lahat ay nagiging makata sa pag-ibig. Corny, pero totoo. Anyway, may mga tao talagang mahusay magsulat. Makikita mo ang kanilang mga akda sa pahayagan, sa mga nobela, sa magazines, sa ini-ihiang pader, sa likod ng upuan sa iyong unahan habang nakasakay ng bus, at sa mga blog na kagaya nito. Hindi naman ako nagbubuhat ng sariling bangko. Sinasabi ko lamang na gaya ng pagkakapantay-pantay sa trabaho, ang pagsusulat sa mga blogs ay hindi rin namimili ng tao. May pinag-aralan man o wala. Bungi man o hindi. Maganda man… o mas maganda. Hehe. Ang problema–mahirap ituro ang pagsusulat. Sasabihin pa nga ng iba na gaya ng pagsasayaw o pagkanta o katalinuhan, ang pagiging manunulat ay nakukuha sa kapanganakan. Kaya nga’t ang mga sumusunod ay tanging gabay lamang sa pagsusulat sa isang blog.
- Sumulat araw-araw. Isa sa mga sikreto ng sikat na mga blogs ay ang kakayahan mong kapanabikan ng iyong mga mambabasa sa iyong mga isusulat. Kung araw-araw kang nagsusulat, mas malaki ang tsansang araw-araw ka rin nilang bibisitahin.
- Magbigay ng halimbawa. Sa blogging, madaling makita ng mambabasa kung may kredibilidad ba ang iyong sinasabi. Iwasang magsabi ng isang bagay na hindi mo kayang patunayan.
- Ilagay ang links ng mga ginamit mong resources. Di gaya ng libro ng enyclopedia, maaaring patalun-talunin ng mga bloggers ang usapan sa pamamagitan ng mga links. Karamihan sa mga artikulong isusulat mo ay mangangailangan ng research, at sigurado akong sa Internet mo sya kukuhanin. Sa pamamagitan ng paglalagay ng links sa iyong mga ginamit na resources, makikita ng iyong mga mambabasa na mahusay mong pinlano at pinaghandaan ang iyong artikulo. Dagdag pa rito ang bisitang matatanggap ng blog mo sakaling mapansin ng orihinal na sumulat na nag-link ka sa blog niya.
- Maging maayos at lohikal sa pagsusulat. Huwag magpaligoy-ligoy, lalo na kung ang sinusulat mo ay isang How To na blog. Hindi ko ito laging sinusunod, lalo na kung nage-enjoy akong magsulat, kaya sa huli, ikaw din talaga ang bahala.
Marami pang gabay ang darating. Abangan ninyo lamang.
Technorati Tags: tips sa pagsusulat ng blog






ilang articles po ang naisusulat niYo po sa isanG araw?
July 16th, 2008